MANILA, Philippines - Umaabot sa P 5 milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy matapos masunog ang komersiyal na distrito ng Koronadal City, South Cotabato kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ng South Cotabato Fire Marshal, pasado alas-4 ng hapon nang magsimulang kumalat ang apoy ang mga establisyemento sa kahabaan ng Roxas, Abad Santos at Rizal Street.
Tinupok ng apoy ang 15 kabahayan sa nasabing lugar kabilang dito ay ang 3-storey boarding house na tinutuluyan ng mga estudyante sa unibersidad.
Sa inisyal na ulat na nakarating sa Camp Crame, nagsimula ang apoy sa bahay ng pamilya Tiamzon na nasa komersiyal na distrito kung saan nadamay ang iba pang kabahayan at establisyemento.
Naapula lamang ang apoy matapos ang mahigit isang oras kung saan wala namang naiulat na nasugatan sa sunog na pinaniniwalaang sanhi ng faulty electrical wiring.