TUGUEGARAO CITY, Philippines - Boluntaryong sumuko kahapon sa mga awtoridad matapos na makonsensya ang gunman ng isang opisyal ng Department of Enviroment and Natural Resources (DENR) na pinagbabaril sa Sanchez Mira, Cagayan.
Ito ang ipinagbigay alam ni Cagayan Police Director Sr. Supt. Mao Ranada Aplasca na nag-turn over kay Adorable Caligan Jr. kay Regional Police Director Chief Supt. Rodrigo De Gracia dito. Si Adorable na taga Barangay Pata West sa bayan ng Claveria, Cagayan ang siyang itinuturing na gunman na bumistay ng bala kay forester Melania Dirain 46, Forestry Specialist ng DENR sa bayan ng Sanchez Mira may ilang linggo na ang nakalilipas.
Si Dirain na isang buwan pa lamang sa kanyang tungkulin sa Sanchez Mira, ang itinuturing na susi sa pagkakasabat ng mahigit na 20,000 board feet na hot lumber na inilabas mula Cagayan at nasabat sa Ilocos Norte noong nakaraang buwan.
Sinabi ni Aplasca na may isang anggulo sila sa pulisya na pinag-aaralan kung bakit sa pagkatapos ng office hours pa naroon ang biktima sa kanyang opisina dakong alas-7 ng gabi.
Nabatid na nakauwi na sa bahay ang biktima subalit isang tawag sa kanyang cell phone ang nag-utos sa kanyang bumalik sa kanyang opisina na kung saan doon siya inabangan ng killer. Nangako naman ang suspek na ituturo ang mastermind sa krimen.