Clan war: 6 patay, 9 sugatan
MANILA, Philippines - Anim katao ang kumpirmadong nasawi habang 9 pa ang nasugatan makaraang sumiklab muli ang rido o clan war nang salakayin ng mga armadong kalalakihan ang komunidad ng kalabang pamilya na pinasabugan ng bomba at niratrat ang mga tahanan sa Brgy. Tininghayang, Lapuyan, Zamboanga del Sur nitong Huwebes ng hapon.
Sa phone interview, kinilala ni Army’s 1st Infantry Division (ID) Spokesman Capt. Alberto Caber ang mga nasawi na sina Inday Golpin, Jun Mahulot, Rachel Langhay, Rex Langhay, Daryl Golpin at Betot Bayanban.
Isinugod naman sa pagamutan ang mga sugatang sina Webb Hompa, Judy Ann Bangholot, Lara Bangholot, Monzor Tambagal, Jarmar Salvador, Jasmine Golphin, Ramram Langhay, Judy Bangholot at Regine Langhay.
Ayon kay Caber, bandang alas-4:30 ng hapon ng sumalakay ang sampung armadong grupo ni Amie Andil, kapatid ng nasawing lider ng Muslim lawless group na si Samang Andil sa komunidad ng Sitio Bihing, Brgy. Tininghayang sa bayan ng Lapuyan.
Sinabi ni Caber na apat na bahay ang sinunog pa sa lugar ng grupo ni Andil matapos na pasabugan ng dinamita at Improvised Explosive Device (IED) saka niratrat pa ang mga tahanan na pawang kamag-anak ni Cafgu Dencio Tabayag na siyang nagturo sa mga operatiba ng pulisya sa pinagtataguan ni Samang.
Si Samang, ayon sa opisyal ay napaslang sa engkuwentro ng mga awtoridad ng nasabing bayan noong Pebrero 11 at bunga nito ay rumesbak naman ang grupo ni Andi sa lugar kung saan nakatira ang mga kamag-anak ng nasabing Cafgu na kalaban ng angkan ng mga ito.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Brig. Gen. Ricardo Rainier Cruz, Commanding General ng Army’s 1st Infantry Division ang pagtugis sa mga suspek at patuloy rin ang imbestigasyon sa kasong ito.
- Latest
- Trending