Kinidnap na misis ng trader, pinatay

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang hindi nakapagbigay ng ransom kaya pinatay ng mga kidnaper ang misis ng negosyanteng Tsinoy saka inabandona sa loob ng oil bunker kahapon ng madaling araw sa bayan ng San Pedro, Laguna.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si Leah Ng na isa sa mga may mataas na tungkulin sa Gaisano Supermarket na bantog sa Cebu City at iba pang urban center sa Minda­nao Region.

Bandang alas-12:30 ng madaling araw kahapon nang matag­puan ang bangkay ng biktima na nagsisimula ng maagnas sa abandonadong bodega sa #31430 Dulo, San Vicente Road sa Barangay San Vicente.

Samantala, bago matagpuan ang bangkay ng biktima ay nasakote naman ng mga tauhan ng PNP-Anti Kidnapping Group na nakabase sa Camp Crame at San Pedro PNP ang isa sa mga kidnaper na si Regie Santiago sa nasabing barangay dakong alas-9:30 ng gabi kamakalawa.

Sa tala ng pulisya, ang biktima ay kinidnap noong Enero 20 sa bisinidad ng UCC Building sa Corinthian Village, Quezon City.

Show comments