Sundalo patay sa NPA

Rizal ,Philippines – Isang miyembro ng Philippine Army (PA) ang nasawi sa isang engkuwentro sa grupo ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Tanay, kamakalawa.

Kinilala ni Rizal PNP director P/Senior Supt. Rolando Anduyan ang nasawi na si Pfc. Rommel Llamelo, miyembro ng Bravo Coy, 16 Infantry Battalion ng PA na nakabase sa bayan ng Rodriguez.

Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang engkuwentro dakong ala-1:45 ng madaling araw sa Sitio Matalingting, Barangay Cayabu, sa Tanay.

Nagsasagawa umano ng combat operation ang Bravo Coy. sa pamumuno ng isang Lt. Valera nang maka-engkuwentro ang tinatayang 15 miyembro ng KLG Julio KOMPROB ng NPA, kung saan minalas na mapuruhan ang biktima.

Naisugod pa naman sa Camp Capinpin General Hospital si Llamelo ngunit binawian din ito ng buhay habang ginagamot.

Tumakas naman ang mga salarin patungong Sitio Tala, Barangay Mamuyao, Tanay at tinutugis na ngayon ng dalawang grupo ng mga awtoridad.

Show comments