2 minero nalibing nang buhay

MANILA, Philippines - Naging mitsa ng kamata­yan ng dalawa katao ang paghuhukay ng mga ito para gumawa ng balon sa isang minahan makaraang ma­tabunan ng lupang kanilang hinuhukay sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Kinilala ni Police Regio­nal Office (PRO) 1 Director P/Chief Supt. Franklin Jesus Bucayu ang mga nasawing biktima na sina Jerry Leal, 40 anyos at Eliazar Valiaron.

Batay sa ulat, humi­ngi ng tulong ang Lepanto Mines Corporation Rescue Team matapos na mabigo ang dalawang biktima na makaahon sa kanilang malalim na hinuhukay na nasa 30 talampakan sa Brgy. Lacong, Tagudin ng lalawigang ito.

Nabatid na ang insidente ay naganap may dalawang araw na ang nakalilipas kung saan habang nasa 30 talampakang lalim ng lupa ang nahuhukay ng mga biktima ay biglang gumuho sa itaas na bahagi ng tumabon sa mga ito matapos lumambot ang lupa sanhi ng pag-ulan.

Gumamit na ng backhoe ang search and retrieval team upang marekober ang katawan ng mga biktima.

Show comments