5-anyos nene sinaksak ng kalaro

RIZAL, Philippines – Isang 5-anyos na nene ang kasalukuyang inoob­serbahan sa ospital matapos itong saksakin ng barbecue stick ng kaniyang kalaro sa Sitio Sagipin, Barangay Dela Paz sa Antipolo City, Rizal kamakalawa ng gabi. Ang biktimang itinago sa pangalang Bernarda ay isinugod ng kanyang mga magulang sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center. Lumilitaw na naglalaro ang biktima nang hindi makasundo ang kanyang kalaro. Dahil dito, nagalit ang bata at kumuha ng barbecue stick saka sinaksak ang biktima sa likurang bahagi ng katawan. Bunsod ng sakit na naramdaman ay kaagad na umuwi ng bahay ang biktimang hindi dumugo ang sugat sa likuran at nagsumbong sa ina. Pinag-aaralan na ngayon ng pamilya ng biktima na sampahan ng kaukulang kaso ang pamilya ng kalaro ng anak dahil sa pagtangging tulungan sila sa gastusin sa pagpapagamot ng anak.

Show comments