3 pulis-San Miguel isinangkot sa ambus

BULACAN, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng tatlong pulis-San Miguel matapos isangkot sa pana­nambang sa isang barangay chairman na ikinasawi ng dalawa nitong bodyguard sa bayan ng San Miguel, Bulacan noong Lunes (Peb 6).

Pormal na kinasuhan ni P/Senior Supt. Fernando Mendez Jr. ang mga suspek na sina SPO2 Angelito Liwag, PO3 Antonino Timoteo at si PO1 Alex Dayao na pawang itinuro ng mga nakaligtas sa pananambang na sina Chairman John “Bong” Alvarez ng Barangay Sta. Ines; Pascualito Banquillo at Fortunato Bacual.

Samantala, napatay naman ang dalawang alalay ni Chairman Alvarez na sina Josefino Alvarez at Roel Vidal.

Base sa rekord ng pulisya, lulan ng multi-cab ang mga biktima nang ratratin ng mga suspek na lulan ng motorsiklo sa bahagi ng Barangay Sta. Ines kung saan napatay ang dalawang alalay ni Chairman Alvarez.

Gayon pa man, habang iniimbestigahan ang mga biktimang nakaligtas kabilang na si Chairman Alvarez ay biglang dumating si SPO2 Liwag sa himpilan ng pulisya kaya mabilis na kinilala ito bilang isa sa tatlong gunmen.

Nabatid na maagang nagdeklarang kakandidato si Chairman Alvarez sa mayo­ralty race sa bayan ng San Miguel sa 2013 elections kung saan sinasabing may kinalaman sa politika ang pananambang.

Show comments