Bangka lumubog: 45 nailigtas

MANILA, Philippines -Himalang nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang 45 pasahero at tripulante makaraang masagip sa lumubog na bangka sa karagatang sakop ng Surigao City, Surigao del Norte noong Lunes ng hapon. Kasalukuyang naglalayag ang M/B Venjun na pag-aari ni Narciso Caban ng Dinagat Island Province nang balyahin ng dambuhalang alon pagsapit sa Barangay Baybay, Surigao City. Nabatid na patungong bayan ng Basilisa sa Dinagat Island ang bangka mula sa Pantalan 2, Brgy. Washington, Surigao City nang makasalubong ang masamang panahon. Agad namang rumesponde ang search and rescue team ng Philippine Coast Guard, Philippine Navy, Quick Reaction Team ng Surigao City PNP at Provincial Public Safety Company Search  kung saan matagumpay na nailigtas ang mga pasahero at tripulante.

Show comments