Holdap: P1.5M tangay
CAMP OLIVAS, Pampanga, Philippines - Tinatayang aabot sa P1.5 milyong cash ang nalimas matapos holdapin ng tatlong sakay ng motorsiklo ang tatlong kawani ng pribadong kompanya noong Sabado sa Roman Highway sa Barangay Donna sa bayan ng Orani, Bataan.
Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Ricardo Zapata, Bataan PNP director, kinilala ang mga biktima na sina Raymund Sigua, operation manager; Teddy Taguines, sales supervisor; at si Shiela Isip.
Lumilitaw na lulan ng kotse ang mga biktima mula sa pangonglekta sa kanilang sangay sa Balanga City patungong main office sa bayan ng Dinalupihan nang barilin ng isa sa tatlong sakay ng motorsiklo ang gulong ng kotse.
Binaril din ang salamin sa kanang bintana ng kotse saka hinablot ng dalawang holdaper ang bag ng mga biktima na naglalaman ng dalawang laptop at malaking halaga.
Narekober sa crime scene ang 10 basyo ng cal. 9mm habang nakatakas naman ang tatlong holdaper. The Phil. Star News Service
- Latest
- Trending