P7M ari-arian sinunog ng NPA
KIDAPAWAN CITY, Philippines – Tinatayang aabot sa P7 milyong halaga ng ari-arian ang sinabotahe matapos sunugin ng mga rebeldeng New People’s Army ang limang heavy equipment na pag-aari ng construction firm sa Barangay San Roque, Kidapawan City sa North Cotabato kahapon ng umaga. Kabilang sa mga sinunog ay ang tatlong dumptruck, isang pay loader, at backhoe na pag-aari ng Ricardo dela Cruz Interior Construction (RDCIC).
Ayon kay P/Inspector Rolando Dillera, hepe ng investigation division ng Kidapawan City PNP, anim na armadong kalalakihan na lulan ng 3-motorsiklo ang pumasok sa nasabing lugar kung saan nakaparada ang mga sasakyan.
Hindi naman nakapalag ang mga trabahador ng nasabing construction firm sa takot na madamay kung saan binuhusan ng gasolina ang limang sasakyan saka sinilaban.
Kaagad naman tumakas ng mga rebelde habang wala namang sinaktan na mga trabahante ng kompanya.
Nabatid na ang RDCIC ang contractor ng road rehabilitation project sa Kidapawan-Makilala Highway sa North Cotabato.
May teorya si Mayor Rodolfo Gantuangco na may kaugnayan sa revolutionary tax na hinihingi ng mga rebelde na hindi naman nabigyan ng nasabing kompanya.
- Latest
- Trending