2 sundalo sugatan sa ambush

MANILA, Philippines - Dalawang sundalo na pawang miyembro ng Peace and Development Team (PDT) ang nasugatan makaraang tambangan ng grupo ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa isang liblib na lugar sa Brgy. Daguit, Labo, Camarines Norte kamakalawa.

Kinilala ni Army’s 9th Infantry Division (ID) Spokesman Major Angelo Guzman ang mga nasugatang sundalo na sina Private First Class ­Alexander Zaragosa at Private Arnel Sebua.

Bandang ala-1:15 ng madaling-araw ng maganap ang insidente sa Brgy. Daguit, Labo ng nasabing lalawigan.

Kinondena naman ni Army Spokesman Major Harold Cabunoc ang insidente sa pagsasabing nagsasagawa ng  community project ang siyam na sundalo ng  PDT ng 49th Infantry Battalion (IB) at wala sa combat operations nang paulanan ng bala ng mga rebeldeng komunista.

Kasalukuyang bumabagtas ang military vehicle sa lugar nang pagbabarilin ang mga sundalo ng NPA red fighters na tinututulan ang pagsulong ng komunidad.

Nagsiatras ang mga rebelde nang mamataan ang reinforcement troops. 

Show comments