MANILA, Philippines - Masuwerteng nakaligtas sa kamatayan ang isang brgy. chairman habang nasugatan naman ang anak nitong babae matapos na tambangan ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan kamakalawa sa Talayan, Maguindanao.
Ayon kay Col. Prudencio Asto, Chief ng Public Affairs Office ng Army’s 6th Infantry Division (ID), naganap ang pananambang sa mag-ama sa bisinidad ng highway ng Brgy. Tulunan Datu Anggal, Midtimbang, Maguindanao bandang alas– 4:50 ng hapon.
Ayon kay Asto nakaligtas sa insidente si Kagi Akmad Compania, Brgy. Chairman ng Brgy. Damablac, Talayan, Maguindanao pero minalas na masugatan ang anak nitong si Noraida Compania na agad namang isinugod sa Notre Dame Hospital.
Kasalukuyang lulan ang mag-ama ng Toyota Revo (LDM -297t) nang tambangan ng mga armadong kalalakihan na pawang armado ng M14 at M16 rifle na mabilis na nagsitakas sa lugar.
Sinabi ni Asto na lumilitaw sa pangunahing imbestigasyon na paghihiganti ang motibo ng pananambang sa brgy. chairman kabilang na ang umano’y hindi naipamahaging mga bigas sa mga residente noong kalamidad na donasyon ng World Food Program sa kanilang barangay.