MANILA, Philippines - Isinailalim na sa state of calamity ang mga bayan ng Jimalalud at La Libertad matapos salantain ng magnitude 6.9 na lindol na nagdulot ng delubyo ng landslide sa Negros Oriental noong Pebrero 6.
Dahil sa patuloy na pag-ulan na nararanasan sa Negros Oriental ay pansamantalang itinigil ang search and retrieval operations sa mga nawawala pang biktima na natabunan ng gumuhong bundok.
Sa ulat ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos, kabilang sa mga barangay na sinuspinde ang search and retrieval ay ang Brgy. Planas sa Guihulngan City kung saan aabot sa 29-katao ang hindi pa nakukuha ang mga katawan habang sa Brgy. Solongon, La Libertad ay nasa 42 pa ang pinaghahanap.
Sinasabing aabot sa 100 katao ang nalibing nang buhay sa landslide pero sa talaan ng NDRRMC ay nasa 30 pa lamang ang patay matapos na apat pang bangkay ang makuha kahapon, 52 ang sugatan at 71 pa ang nawawala.
Bukod dito, may 21 estudyante ayon sa mga lokal na opisyal ang kabilang sa mga nawawala sa Barangay Planas, Guihulngan City.
Inihayag naman ni Captain Anacito Naz, civil military operations officer ng Army’s 302nd Infantry Brigade na lubhang delikado rin sa mgasundalo ang magsagawa ng search and retrieval dahil sa malakas na pag-ulan habang patuloy pa ring nararanasan ang mga aftershock.