2 lider ng NPA dakma

MANILA, Philippines - Dalawang mataas na opisyal ng mga rebeldeng New People’s Army ang nasakote ng pinagsanib na operatiba ng militar at pulisya sa isinagawang operas­yon sa Barangay Maitim sa bayan ng Bay, Laguna noong Martes ng hapon.

Ayon kay AFP Southern Luzon Command Spokesman Col. Generoso Bolina, bandang alas-5:40 ng hapon nang masakote ng mga elemento ng 202nd Infantry Brigade at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang regional officer ng NPA na sina Anabelle “Ka Lara” Bueno at Rosita Malabanan.

Base sa ulat, si Bueno na tumatayong finance officer ng Platoon Magnum ng NPA Guerilla sa Laguna ay may nakabinbing apat na warrant of arrest sa kasong multiple attempted murder, multiple frustrated murder at multiple murder

Samantala, si Malabanan naman ay tumatayong lider ng Regional Organization Department ng NPA at Regional Finance Officer sa Southern Tagalog Regional Party Committee.

Nasamsam sa dalawa ang 15 eksplosibo at apat na blasting caps kung saan itinurnover na sa kustodya ng Criminal Investigation and Detection Group para sumailalim sa tactical interrogation.

Show comments