MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang mabubulok sa kulungan ang isang tinyente ng pulisya na sinasabing tumangging bayaran ang bill sa restaurant kaya binaril at napatay nito ang isang 30-anyos na waiter sa Baguio City noong Sabado ng gabi.
Napuruhan sa ulo ang biktimang si Bander Faisal Dacpano Davoc, stay-in waiter sa Martin‘s Bread Restaurant sa Bokawkan Road, Baguio City.
Naghihimas naman ng rehas na bakal ang suspek na si P/Insp. Gerome Sherwin Bangibang Gonsadan, 32, nakatira sa Camp 6, Tuba, Benguet, dating naka- assign sa Special Action Force at na re-assigned sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) sa Camp Crame dahil sa nagsasanay ng Officer’s Basic Course sa Philippine Public Safety College sa Camp Castañeda, Silang, Cavite.
Nabatid na naghapunan ang suspek sa nasabing restaurant kasama ang tatlong kaibigan pero hindi nagbayad matapos singilin ni Davoc.
Napilitan ang waiter na dumulog sa presinto 2 ng Baguio City PNP at inireklamo ang suspek na itinuro ng mga bystander. Mabilis na sumakay sa taxi cab ang tatlong kasama ng tinyente kung saan nagpaiwan ang suspek. Dito na lumapit ang suspek at binaril sa ulo ang biktimang nagreklamo sa pulisya. Nasakote naman ang suspek sa intersection ng Aguila Street at Bokawkan Road. Joy Cantos at Artemio Dumlao