Shootout: Deputy cop, 2 pa dedo

BATANGAS, Philippines – Tatlo-katao kabilang ang deputy chief of police ang kumpirmadong napatay sa naganap na shootout sa bisinidad ng Barangay San Miguel sa bayan ng Sto. Tomas, Batangas kamakalawa ng gabi.

Kabilang sa mga napatay ay sina P/Senior Inspector Reynaldo Valencia, 32, deputy police chief ng Sto. Tomas police station at nakatira sa Brgy. Lodlod, Lipa City, Batangas; ang mag-utol na Carlito Cornejo, 63; at Nelson Cornejo, 60, kapwa namaril sa mga pulis at residente sa Barangay San Vicente sa nasabing bayan.

Sugatan naman si Crisanto Lawas na naisugod sa Saint Cabrini Hospital habang arestado naman si Allan Cornejo, 42, anak ni Carlito.

Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Rosauro Acio, Batangas police director, nagsasagawa ng surveillance operation si Valencia kasama sina PO2 Sherwin Luna at PO1 Cipriano Manaig sa nasabing barangay nang harangin ng mga lango sa alak na kalalakihan bandang alas- 7:30 ng gabi.

Bumaba sa kotse si Valencia para harapin ang mga suspek na lulan ng motorsiklo (WO4694) matapos magpakilalang pulis pero agad itong binaril sa dibdib ng isa sa grupo ng kalalakihan.

Kahit sugatan ay nakaganti ng putok si Valencia at dalawang kasamang pulis hanggang sa mabaril nito ang tatlong suspek. Arnell Ozaeta at Joy Cantos

Show comments