MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Isang barangay chairman na sinasabing maagang nagdeklarang tatakbo sa mayoralty race sa bayan ng San Miguel sa 2013 elections ang iniulat na nasugatan habang dalawang alalay nito ang nasawi sa naganap na pananambang ng motorcycle-riding gunmen sa bisinidad ng Barangay San Juan sa nasabing bayan kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Supt. Fernando Mendez ang sugatang nakaligtas sa kamatayan na si Chairman John “Bong” Alvarez, negosyante, ng Barangay Sta. Ines. Siya ay nadaplisan ng bala sa kanang braso.
Napaslang naman sina Ruel Vidal, 52, ng Brgy. Tibagan; at Josefino Alvarez ng Brgy. Sta. Ines na kapwa bodyguard ni Chairman Alvarez kung saan nadaplisan ng bala ng baril sa kanang braso.
Sa ulat ng pulisya, bago maganap ang krimen, pumasok si Alvarez sa Jessica Spa bandang alas-5:30 ng hapon noong Lunes kasunod ang kanyang dalawang bodyguard.
Gayon pa man, umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril kung saan tinamaan si Vidal habang si Josefino naman ay nakipagpalitan ng putok sa riding-in-tandem.
Dito na napatay ang ikalawang alalay ni Alvarez matapos ratratin ng ikatlong gunman na lulan din ng motorsiklo habang si Chairman Alvarez naman ay tinamaan sa braso.
Hindi naman sumabog ang inihagis na granada ng tatlong armadong lalaki na mabilis tumakas sa hindi nabatid na direksyon.