MANILA, Philippines - Sinampahan na ng kasong frustrated murder at 3 counts ng attempted murder ang pitong opisyal ng lokal na pamahalaan ng Cotabato City kabilang ang opisyal ng pulisya kaugnay ng bigong pananambang kay Vice Mayor Datu Muslimin Sema noong Enero 10, 2012 sa highway ng Brgy. Rosary Heights 7 sa Cotabato City.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group Chief P/Director Samuel Pagdilao, kabilang sa mga akusado na kinasuhan sa sangay ng Department of Justice sa Cotabato City ay sina Cotabato City Mayor Japal Guani Jr., mag-asawang Atty. Cynthia Sayadi, Omar Sayadi, City Councilors Graham Dumama at Abdilla Lim, Barangay Chairman Amil Sula at si P/Inspector Noel Gutierrez, ex-deputy station Commander ng Cotabato City na namuno sa pagresponde sa ambush site.
Ang mga suspek ay kinasuhan matapos ituro ng testigo sa imbestigasyon ng Special Investigating Task Group Sema na sinasabing matagal na planong itumba si Sema pero nakaligtas ang bise alkalde.
Ayon sa ulat ng SITG Sema, pulitika ang sinasabing motibo ng tangkang pagpatay kay Sema na dati na ring nagsilbi bilang 3-term na alkalde sa Cotabato City bago muling tumakbo at nagwaging bise alkalde noong 2010 elections.
Nabatid na planong tumakbong ni Sema bilang alkalde sa 2013 polls kung saan ayon sa testigo ay nagsabwatan ang mga suspek upang paslangin ito dahil isa itong tinik sa kanilang manok sa pagka-alkalde.
Samantala, si Gutierrez na kabilang sa mga sinampahan ng kaso ay pananagutin naman sa kasong administratibo dahil sa pagtatago ng ebidensya na malaki ang maitutulong sa pagresolba ng kaso.
Nabatid na isang cellular phone ang narekober sa napaslang na gunman na si Zermin Abdullah pero binigyan ng instruksyon ni Gutierrez ang kaniyang mga tauhan na huwag na itong banggitin o sabihin kaninuman ni tukuyin sa imbestigasyon kung saan ay kinuha at itinago nito ang cell phone.