ZAMBALES, Philippines - Pormal nang idineklara ng Provincial Board of Canvassers si Jun Omar Ebdane bilang bagong halal na kongresista sa 2nd District ng Zambales matapos ang special elections para sa nabakanteng posisyon na iniwan ng yumaong si Rep. Antonio Diaz.
Ang special polls ay ginanap sa mga bayan ng San Antonio, San Narciso, San Felipe, Cabangan, Botolan, Iba, Palauig, Masinloc, Candelaria at sa bayan ng Sta Cruz.
Umabot sa kabuuang 62,867 boto ang nakuha ni Ebdane habang ang mahigpit nitong katunggali na si Cheryl Poynter Deloso-Montalla (Liberal Party) ay nakakuha naman ng botong 56,945.
Samantala, sina Rica Victoria Diaz Arambulo ng Nacionalista Party ay may botong 17,291; Alfred Sebarotin Mendoza na may botong 1,512 habang si Atty. Wilfredo Paul Pangan ay nakakuha naman ng 3,856 boto.
Ayon naman sa natalong kandidato na si Rica Diaz-Arambulo na nagkaroon ng sinasabing massive vote buying ngunit hindi na siya maghahabol dahil sandali lang naman ang termino ng nanalong kandidato at sa susunod na halalan na lang uli sila maghaharap. Randy Datu at Alex Galang