CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Nabasag ang pagkababae ng isang 21-anyos na dalaga makaraang pilahan ng pito-katao kabilang na ang anim na sundalo ng Phil. Army sa loob ng military camp ng Bravo Coy, 9th Infantry Battalion sa ilalim ng 9th Infantry Division na nakabase sa Barangay Puro sa bayan ng Aroroy, Masbate kamakalawa ng gabi.
Luhaang dumulog sa himpilan ng Womens and Child Protection Desk ang biktimang itinago sa pangalang Lanie ng Barangay Usap sa Masbate City.
Samantala, isa sa pitong suspek ay kinilalang si Gilbert “Jeric” Quinto na kasalukuyang tinutugis ng mga operatiba ng pulisya.
Base sa police report, lumilitaw naunang hinalay ni Quinto ang biktima matapos imbitahan sa loob ng kampo ng military bandang alas-7 ng gabi.
Kasunod nito, habang nagkakatuwaan ang mga suspek ay magkakasunod na pinilahan ang biktima kung san pinanonood naman ng mga nakaantabay na sundalo.
Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang biktima sa sinapit na kapalaran kung saan nagtuloy ito sa himpilan ng pulisya para ireklamo ang mga suspek.