P17.1M 'damo' nasamsam
MANILA, Philippines - Umaabot sa P17 milyong halaga ng marijuana ang nasamsam ng mga operatiba ng pulisya sa isinagawang operation sa magkakahiwalay na lugar sa Benguet at Ilocos Sur kamakalawa.
Batay sa ulat, nasa P11,680.000 milyong halaga ng marijuana ang nakumpiska ng anti-narcotics operatives sa Mt. Agay, Barangay Licungan, Sugpon, Ilocos Sur at Mt. Litalit sa Sitio Batangan, Barangay Tacadang, Kibungan, Benguet.
Bandang alas-7:30 ng umaga nang salakayin ng mga operatiba ng Police Anti Illegal Drugs Special Operations Task Group, Ilocos Sur Provincial Public Safety Company at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1 ang malawak na plantasyon ng marijuana.
Samantala, iniulat naman ng Cordillera PNP ang pagkakasamsam sa P5.5 milyong halaga ng marijuana sa bahagi ng Sitio Laoangan, Barangay Gadang, Kapangan, Benguet.
Nasa pitong plantasyon ng marijuana ang ni-raid ng Regional Public Safety Battalion kung saan ay nasamsam ang 24,600 puno ng marijuana at mga binhi na aabot sa P 5.5 milyong halaga.
Wala namang naarestong cultivator sa plantasyon na pinaniniwalaang nakatakas matapos matunugan ang pagsalakay.
- Latest
- Trending