MANILA, Philippines - Dahilan sa paglalaro sa text messages ng kaniyang nakababatang kapatid na ginawang katawa-tawa sa hangad na date sa nililigawang dalagita, binaril at napatay ang isang 16-anyos ng kanyang 14-anyos na kapatid na lalaki sa Barangay Poblacion sa bayan ng Tabogon, Cebu kamakalawa ng hapon.
Ang biktimang nasawi na itinago sa pangalang Tom ay nagtamo ng tama ng bala ng cal. 38 revolver sa likurang bahagi ng kaniyang ulo na naglagos sa noo nito.
Inaresto naman ng mga awtoridad ang bunsong kapatid na itinago naman sa pangalang Junjun na halos tulala pa sa nagawang krimen.
Sa police report ni P/Chief Inspector Alexander Ancao na nakarating sa Camp Crame, naganap ang krimen sa tahanan ng mag-utol sa nabanggit na barangay dakong alas-12:30 ng hapon noong Biyernes.
Nag-ugat ang matinding galit ni Junjun sa kaniyang kuya matapos magpanggap sa text messages na ang kaniyang nililigawan na nakikipag-date sa plaza kung saan ilang beses itong nag-set ng date pero palaging hindi dumarating.
Gayon pa man nadiskubre ni Junjun noong Huwebes na ang kaniyang kapatid na si Tom ang nagpapadala ng text messages sa kaniya kaya palagi siyang pinagtatawanan kapag umuuwi ng bahay kung saan humantong pa sa suntukan ang magkapatid.
Lalong nagpuyos sa galit ang suspek nang mabatid na kumalat sa kanilang kapitbahay na napupurnada ang inaasahan niyang date at pinagtatawanan din siya.
Dito na nagtanim ng galit ang bunsong kapatid kung saan habang kumakain ang kanyang kuya ay bigla nitong binaril sa ulo sanhi ng inabot na kahihiyan sa kanilang kapitbahay.
Inaresto naman ng pulisya si Junjun at itinurnover sa kustodya ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Iniimbestigahan na ng pulisya kung saan kinuha ng suspek ang baril na ginamit sa krimen.