IBA, Zambales, Philippines — Magagamit na ng mga residente ng Zambales ang mga modernong kagamitan na dumating noong Martes dito sa provincial hospital sa ilalim ng health care modernization program ni Gov. Hermogenes Ebdane Jr.
Kabilang sa mga medical equipment na nakatakdang ipamahagi sa Pres. Ramon Magsaysay Memorial Hospital ay ang CT-scan machine, X-ray machine at ultrasound imager upang mabigyan ng mas maayos at mas murang serbisyo ang mga pasyente.
“Ngayon, hindi na kailangang magpunta pa sa Maynila o Olongapo ang mga pasyente, lalung-lalo na ang mga mahihirap nating kababayan,” pahayag ni Ebdane.
Ayon kay Himex senior vice president and chief financial officer Rema Padilla-Ohno, ang mga nabanggit na medical equipment ay ipinagkaloob ng Japan matapos pirmahan ni Ebdane ang kasunduan sa pagitan ng panlalawigang pamahalaan at High Integrated Medical Engineering Exponent Corporation, Inc. (Himex) na sasagot sa installation, operation at maintenance.
Para makabawi ang Himex, magkakaroon naman ito ng 50-porsyentong bahagi sa kokolektahing service charge para sa paggamit ng mga bagong makina para sa CT-scan, X-ray at ultrasound.
“Ngayon lang sa pag-upo ni Gov. Ebdane na naging prayoridad ang health care services at naging puspusan ang pagdadala ng serbisyong pangkalusugan para sa mga mamamayan sa lalawigan,” pahayag naman ni Dr. Raulin Dadural, provincial health officer.