Pa-takeoff na eroplano sinalpok ng trike
LINGAYEN, Pangasinan, Philippines – Isang eroplano na sinasabing papalipad na sana nang salpukin ng isang traysikel na tumawid sa runway ng Lingayen Airport kamakalawa.
Sa ulat ni P/Inspector Carlos Caoile, hepe ng police community relations sa Lingayen PNP Station, nawasak ang horizontal stabilizer ng Cessna plane 152 na pag-aari ng Flight and Stimulator Incorp. sa Las Piñas City.
Nasa ligtas namang kalagayan ang student pilot na si Joseph Vallador Jr. ng Parañaque City at ang flight instructor na si Quennie Gabion.
Dahil sa naganap na insidente, nagpaabot ng mensahe ang office of Civil Avaition Authority sa kanilang Manila office na higpitan ang seguridad sa nasabing lugar.
Ipinag-utos din sa pulisya na imonitor ang nasabing runway para hindi makatawid ang mga residente na ginagawang shortcut route ang paliparan.
Sa mga nakalipas na taon ay nilagyan ng barbwire na bakod ang paligid ng runway subalit patuloy na winawasak ng mga residente para madaling makatawid.
Napag-alamang aabutin ng 20 minuto ang paglalagyan para makapunta sa Barangay East at East subalit kapag tumawid sa nasabing runway ay aabutin lamang ng tatlong minuto.
- Latest
- Trending