Shabu tiangge ni-raid: 151 drug pusher, wanted tiklo

MANILA, Philippines - Umaabot sa 151 katao kabilang ang 62 most wan­ted na kriminal ang nasakote ng mga operatiba ng pulisya matapos salakayin ang may 30 kabahayan na nagsisilbing mini shabu tiangge sa raid sa Biñan, Laguna kahapon ng mada­ling araw.

Sa ulat ni Laguna Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Gilbert Cruz, bandang alas-2 ng madaling-araw ng umpi­sahan ng mga awtoridad ang serye ng raid sa mini shabu tiangge sa Brgy. San Antonio.

Ang operasyon ayon kay Cruz ay bahagi ng Oplan Trojan War na nag­lalayong linisin sa ipinagbabawal na droga ang lalawigan.

Bago ang raid ay isinailalim sa masusing surveillance operation ang lugar matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa tiangge ng shabu sa Brgy. San Antonio.

Isinagawa ang raid sa bisa ng 30 search warrant na inisyu ng korte. Kabilang sa 151 nasakote ay 62 wanted, 85 drug pusher at apat naman na sangkot sa illegal possession of firearms na nakumpiskahan ng siyam na mga armas.

Nakumpiska sa ope­rasyon ang sari-saring sukat ng plastic sachet na naglalaman ng shabu na pang tiangge, mga drug paraphernalia, iba’t ibang mga armas at nasa 50 piraso ng fruit game.

Kasalukuyan ng isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang mga nasakoteng suspek.

Show comments