MANILA, Philippines - Umaabot sa mahigit P12-M marijuana ang nasamsam ng mga awtoridad sa isinagawang serye ng marijuana eradication operation sa bayan ng Bakun, Benguet, ayon sa opisyal kahapon.
Ayon kay Cordillera Spokesman Supt. Engelbert Soriano, naglunsad ng marijuana eradication operation sa ilang lugar sa nasabing bayan ang pinagsanib na elemento ng Bakun Municipal Police Station (MPS), Benguet Police Public Safety Company at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Bago ang operasyon ay isinailalim sa surveillance operation ang lugar matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa illegal na taniman ng marijuana sa nasabing bulubunduking bahagi ng nabanggit na munisipalidad.
Kabilang sa mga sinalakay umpisa pa nitong nakalipas na tatlong araw hanggang kamakalawa ay ang Sitio Bulisay, Gusadan, Tamanagan, Lubban Ama Agay-ay at Tapog-o ;pawang sa Barangay Kayapa, Bakun, Benguet na nasasaklaw ng kabuuang 7,600 hektaryang lupain.
Nasamsam sa lugar ang may 64,960 puno ng marijuana, maliban pa sa bultu-bultong pinatuyong dahon at mga binhi nito na umaabot sa P12,840,000 ang halaga.
Gayunman, wala ni isa mang nasakote sa nasabing operasyon na pinaniniwalaang mabilis na nakatakas matapos na matunugan ang operasyon ng mga awtoridad.
Nagpapatuloy naman ang marijuana eradication operation sa Benguet at iba pang bahagi ng Cordillera.