Ex-Gapan Mayor sinabit sa murder
MANILA, Philippines - Nagpalabas ng resolusyon ang Office of the Ombudsman na nagsasangkot sa dating Gapan City mayor na si Ernesto L. Natividad at dalawang iba pa na sina Romeo Natividad at Ricardo Peralta sa kasong pagpatay.
Sa naturang resolusyon, pinanigan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang isang mosyon ng nagrereklamong si Cristina D. Pascual, residente ng San Vicente, Gapan City, na humihingi sa pagbasura sa isang nauna nang kautusan ng tanggapan na may petsang Abril 8, 2009.
Dahil dito, iniutos ni Ombudsman Morales na agad na isama sa Information for murder sina Natividad, Romeo, at Peralta.
Aprubado rin at muling pinagtibay ng Ombudsman ang Supplemental Resolution ng Department of Justice na may petsang Agosto 21, 2007 at Review Action ng kanyang tanggapan na may petsang Pebrero 10, 2009.
Iginigiit ng mga respondent na dapat patunayang “beyond reasonable doubt” ang pagsasangkot sa kanila sa kasong pagpatay.
Subalit sinopla ng resolusyon ni Morales ang iginigiit ng mga respondent.
Aniya, hindi okasyon ang preliminary investigation para patunayan ang“guilt,” tanging “probable cause” lamang ang hinahanap dito.
Nakasaad sa resolusyon na sa paglilitis lamang masasala ang testimonya at kredibilidad ng mga saksi.
Mababatid din sa resolusyon na ang preliminary investigation ay pag-alam lamang sa pangkalahatan at madalas na ito lamang ang tanging paraan para malaman kung sinu-sino ang ihahabla sa krimen ng nakatokang taga-usig ng estado.
Matatandaan na nangyari ang pagpatay sa isang sabungan sa nasabing siyudad ilang taon na ang nakararaan at karamihan sa mga respondent ay naroon mismo at positibong itinuro ng ilang saksi.
- Latest
- Trending