Pabrika ng paputok sumabog
STA. MARIA, Bulacan, Philippines – Nagdulot ng pangamba at takot sa mga residenteng nakatira dito ang pagsabog sa pagawaan ng paputok kahapon na nagresulta ng pagkasugat pa ng isang babaeng trabahador dito.
Nagtamo ng first degree burn sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Maricel Esterino 35, ng Sitio Putol, Brgy. Mag-asawang Sapa sa bayang ito na agad na naisugod sa Rogasciano M. Mercado Memorial Hospital sa Brgy. Poblacion.
Sa imbestigasyon ni PO3 Rodolfo Robielos, naganap ang pagsabog dakong alas 2:10 ng hapon habang naglalagay ng pulbura ang biktima sa ginagawang five star na paputok ang biktima sa loob ng isang kubo sa lugar na ito.
Biglang sumiklab ang mga nakaimbak na pulbura sa tabi nito saka biglang sumabog na naging dahilan upang matupok ang buong kabahayan at maging ang mga gawang produkto ay nadamay din na tinatayang aabot sa halagang P20,000.
Napag-alaman ding walang kaukulang permiso ang pagawaan na pag-aari ni Raquel Quizon na naging dahilan upang sampahan ito ng kaukulang kaso.
- Latest
- Trending