MANILA, Philippines - Patay ang 15 mangingisda habang tatlo pa ang sugatan matapos na ratratin ng mga armadong kalalakihan habang namamalakaya sa karumal-dumal na masaker sa karagatan ng Sibago Island, Mohammad Ajul, Basilan nitong Lunes ng umaga.
Ayon kay Col. Randolph Cabangbang, spokesman ng AFP-Western Mindanao Command, bandang alas-7 ng umaga nang maganap ang insidente sa nasabing lugar.
Kasalukuyang nangingisda sa lugar ang 18 lulan ng tatlong palakaya (bangkang pangisda) nang bigla na lamang ratratin ng mga armadong kalalakihan sakay ng ‘pakura type’, isang uri ng mabilis na sasakyang pandagat sa bahagi ng karagatan ng Sibago Island.
Pumasok sa itinuturing na ‘sea sanctuary’ sa lugar at nabatid na ang mga ito ay mga dumayo lamang sa lugar na pawang mga residente ng Zamboanga del Sur.
Isa sa mga nasugatan ay kinilalang si Jerome Lunsol, 22 ng San Pablo, Zamboanga del Sur, nilalapatan na ng lunas sa Zamboanga General Hospital habang ang dalawa pa sa mga nasugatan ay dinala na sa Pagadian City ay sina Arvin Oponda at Boyet Lopez.
Ayon naman kay Col. Ricardo Visaya, Commander ng Army’s 104th Infantry Brigade na nakabase sa Basilan, kinilala nito ang ilan sa mga nasawi na narekober ng mga elemento ng Naval Forces Western Mindanao (NAVFORCES) na sina Ronald Buhian, Wilson Lonson, Kenneth Castillo, Leonardo Tamparong.
Nilinaw naman ng opisyal na ayon sa pahayag ng mga survivor ay patay na ang iba pa nilang mga kasamahan dahilan sa grabeng tinamong sugat sa masaker pero humagis sa dagat ang bangkay ng mga ito na ngayon ay pinaghahanap ng search and rescue team ng Phil. Navy sa karagatan.
Lumilitaw na ang lalawigan ng Basilan ay balwarte ng mga bandidong Abu Sayyaf Group, mga pirata pero ayon sa opisyal ay tinitingnan rin nila ang posibilidad na ang grupong umaangkin sa nasabing teritoryo ang nasa likod ng masaker.