MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang bahay sa isang subdivision sa Dasmariñas, Cavite na ginagamit umanong drug den, ayon sa ulat kahapon. Sa pagsalakay ng grupo, nakumpiska ang may P100,000 halaga ng shabu at mga drug paraphernalias.
Ayon kay PDEA Director General Jose Gutierrez Jr., apat katao, kabilang ang sinasabing maintainers ng drug den ang nadakip sa ginawang pagsalakay sa Summerwind Subdivision, Salitran 3, Dasmariñas.
Kinilala ni PDEA Region 4A Director Emerson Margate ang dalawa sa mga maintainers na sina Arcelie Dayrit, na nasa drug watchlist ng pulisya at Luz Olaes, na kilala umanong nagbebenta ng droga sa lugar. Ang operasyon ay bunga ng ginawang surveillance sa lugar hanggang sa makakuha ng search warrant para sa nabanggit na kabahayan ganap na alas-9 ng umaga.
Ayon kay Margate, magkatuwang umano ang dalawang drug den sa kanilang operasyon dahil kapag wala ng stock ng shabu ang isa ay magpapalitan lamang sila.
Ayon pa sa opisyal, ang lugar kung saan nakalagay ang drug dens ay hindi kinokonsiderang depress area.