2 cargo vessel lumubog
MANILA, Philippines - Dalawang cargo vessel ang iniulat na lumubog sa naganap na magkahiwalay na sakuna sa karagatan ng Antique at Catanduanes kahapon ng umaga.
Unang napaulat na lumubog sa karagatan ng San Jose Antique ang M/V Seaford 2 na sinasabing kargado ng 35, 000 sako ng semento at 9,000 litro ng diesel.
Sa ulat ng Office of the Civil Defense Region 6, naganap ang sea mishap dakong alas-11 ng gabi matapos mabangga ang matigas na bagay sa ilalim ng dagat kung saan nagkaroon ng butas habang naglalayag ang barkong MV Seaford 2 na pag-aari ng Seaford Shipping Lines patungong Culasi, Antique mula sa Iligan City.
Unti-unti naman lumubog ang nasabing barko kung saan nailigtas ang 18 tripulanteng Pinoy na pinamumunuan ng kanilang kapitan na si Mario Mora.
Inatasan na ni PCG commander Admiral Ramon Liwag ang kanyang mga tauhan na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan para sa posibleng oil spill.
Samantala, lumubog din ang isang Chinese cargo vessel na M/V Sun Spirit matapos balyahin ng malaking alon sa karagatan ng Baras sa lalawigan ng Catanduanes.
Nabatid na ang nasabing cargo vessel ay nakarehistro sa Philua Shipping kung saan kargado ng iron ore mula Leyte patungong China tnang magkaaberya ang makina at tuluyang lumubog.
Nasagip naman ang 11 tripulante na pawang Tsino matapos ilatag ang search and rescue operation ng mga tripulante ng M/V Oriental Sana II.
Nailigtas naman ng mga mangingisda ang tatlo pang tripulante.
Minomonitor naman ng dalawang chopper ng Tactical Operation Group-5 ng Phil. Air Force katuwang ang Navy vessel ang nasabing karagatan sa posibleng oil spill.
- Latest
- Trending