MANILA, Philippines - Tatlo ang nasawi matapos na magbakbakan ang dalawang magkalabang paksyon ng angkan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Brgy. Dugong, M’lang, North Cotabato kamakalawa.
Ayon kay Col. Prudencio Asto, Chief ng Public Affairs Office ng Army’s 6th Infantry Division (ID), naganap ang insidente sa Purok 14, Brgy. Dugong, M’lang, North Cotabato bandang alas-8:30 ng umaga.
Sinabi ni Asto, nagkrus ang landas ng grupo nina Kiga Ibrahim alyas Commander Blasim at Sabel Manwang na nagbunsod sa palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig.
Ang bakbakan ay tumagal ng may 30 minuto na ikinasawi ng dalawa mula sa grupo ni Ibrahim habang nagawa ring matangay ng grupo nina Manwang mula sa mga ito ang dalawang M16 rifle at isang garand rifle.
Sa isang radio interview, kinumpirma naman ni M’lang Mayor Joselito Pinol na nasawi rin sa insidente ang anak na lalaki ni Commander Blasim.
Ayon sa opisyal, lumilitaw sa imbestigasyon na alitan sa lupa ang pinag-aawayan ng dalawang magkalabang angkan sa nasabing lugar. Umalerto na ang tropa ng militar upang mapigilan ang posible pang pagsiklab ng karahasan.