Australian priest natagpuang patay
MANILA, Philippines - Natagpuang patay ang isang 69-anyos na Australyanong pari matapos lumutang sa ilog sa Sitio Ilaya, Barangay Can-asuhan, Carcar City sa Cebu, kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ni P/Chief Inspector Teodulfo Manatad II ang biktima na si Fr. Douglas Rowe, tubong Madeland, Australia at founder ng Parish Society of the Son and Daughters of God sa Barangay Bulacao, Talisay City.
Lumilitaw na binisita ni Fr. Rowe kasama si Sister Jan Rebutaso at isang broker na si Sunshine Hoyo ang lupaing malapit sa nasabing ilog na kaniyang nabili kung saan plano nitong ibenta.
Nabatid na inutusan ni Fr. Rowe ang dalawang kasama na litratuhan ang nasabing lupain kung saan ay iniwan nila sandali ang pari malapit sa ilog matapos itong mapagod sa paglalakad.
Gayon pa man, pagbalik ng dalawa ay natagpuan nila si Fr. Rowe na nakalutang na sa ilog.
Sa isinagawang awtopsiya ng Philippine National Police Crime Laboratory 7 medico-legal officer Dr. Jose Martin Fuentes, nakumpirmang walang naganap na foul play sa pagkamatay ng pari na sinasabing inatake sa puso habang umiihi sa gilid ng ilog.
Si Fr. Rowe na sinasabing ipinangalan sa ibang tao ang nabiling lupain at may sakit din itong diabetes.
- Latest
- Trending