BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Hindi na nakapalag sa mga operatiba ng pulisya ang vice mayor sa bayan ng Bacarra na may kasong graft and corruption matapos arestuhin sa bayan ng San Mateo, Rizal kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Supt. Marlou Chan, Ilocos Norte police director ang suspek na Vice Mayor Pacifico Velasco ng Bacarra, Ilocos Norte.
Armado ng warrant of arrest na inisyu ng Sandiganbayan ay inaresto si Velasco ng pinagsanib na puwersa ng Bacarra PNP, Ilocos Norte PNP office at San Mateo PNP sa kanyang pinagtataguan sa Greenland Village Subdivision sa Barangay Ampil sa bayan ng San Mateo, Rizal.
Lumilitaw na pinaghahanap ng pulisya si Velasco matapos magpalabas ng desisyon ang Sandiganbayan sa kasong graft and corruption na isinampa sa kanya ng pinsan na si ex-Bacarra Mayor Leonardo Velasco.