6 NPA patay sa encounter
MANILA, Philippines - Bulagta ang anim na rebeldeng New People’s Army na sinasabing umatake sa military detachment matapos makipagbarilan sa tropa ng Phil. Army sa bayan ng Mawab, Compostela Valley noong Lunes ng hapon.
Ayon kay Col. Roberto Domines, commander ng 1001st Infantry Brigade, bandang alas -3 ng hapon nang sagupain ng tropa ng 66th Infantry Battalion ang mga rebelde na lulan ng dumptruck kung saan niratrat ang military detachment.
Nabulilyaso naman ang plano ng mga rebelde na magpasabog ng bomba sa perimeter fence ng detachment ng militar matapos ang sunud-sunod na putok na pinakawalan ng mga naalertong sundalo.
Napilitan namang umatras ang mga rebelde nang dumating ang reinforcement troops ni Lt. Col. Antonio Florendo ng 66th Infantry Battalion.
Tumagal ng walong oras ang bakbakan kung saan inabandona ng mga rebelde ang bangkay ng anim na napatay habang wala namang naiulat na nasugatan sa panig ng mga sundalo.
Narekober sa encounter site ang 2 M16 Armalite rifles, 2 M14 rifles, at M19 cal. 30 machinegun.
Samantala, bukod sa nasilat na pag-atake sa detachment ng militar ay plano rin ng mga rebelde na sunugin ang banana plantation sa nasabing lugar.
- Latest
- Trending