4 hijacker bulagta sa shootout
BATANGAS, Philippines – Napaslang ang apat na kalalakihan na sinasabing miyembro ng notoryus na hijacking group matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa Barangay San Roque sa bayan ng Sto. Tomas, Batangas kahapon ng madaling araw.
Dalawa sa napatay ay kinilalang sina Roberto Rio at Jun Castillo habang bineberipika pa ang pagkakakilanlan ng dalawa.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Rosauro Acio, Batangas PNP director, ang apat ay napatay habang sakay ng Hyundai Starex van kung saan nakipagbarilan sa mga pulis na nagbabantay sa inilatag na checkpoint sa nabanggit na barangay bandang alas-4:15 ng madaling-araw.
Bago maganap ang shootout ay nakatanggap ng flash alarm ang Batangas PNP mula sa himpilan ng pulisya sa Calamba City kaugnay sa hinaydyak na aluminum van na naglalaman ng CDO meat products.
Ang grupo ng haydyaker na lulan ng puting van ay namataang tumakas sa direksyon ng Batangas.
Agad namang naglatag ng dragnet operation ang mga elemento ng pulisya kabilang na ang grupo ng Regional Special Operations Group, Regional Intelligence Division at Regional Public Safety Battalion.
Sa report naman ni P/Inspector Manuel Castillo, hepe ng Sto. Tomas PNP, kaagad namang naispatan ang grupo ng haydyaker na lulan ng van subalit tumangging huminto sa checkpoint at niratrat ang mga pulis na nagbabantay.
Dito na sumiklab ang bakbakan kung saan ilang minuto ang nakalipas matapos mahawi ang usok ay duguang nakabulagta ang apat sa loob ng sasakyan.
Narekober sa encounter site ang dalawang baby Armalite rifles, dalawang cal. 45 pistol, Hyundai Starex van at limang kahon ng mga produkto ng CDO.
- Latest
- Trending