Holdaper bulagta sa negosyante
BULACAN, Philippines – Isa sa dalawang lalaki ang iniulat na napaslang matapos mabaril ng isang negosyante ng baboy sa naganap na holdapan sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang napatay na holdaper na si Nelson Lopez, 43, habang nasakote naman ang sugatang kasamahan ni Lopez na si Jor Dennis Magno, 30, kapwa nakatira sa Barangay Tibagan, Bustos, Bulacan.
Base sa ulat ni P/Supt. Reniel Valones, lumilitaw na magkaangkas sa motorsiklo ang mag-among sina Van Christian Lingao at Severino Dimaculangan mula sa piggery sa Barangay Mag-Asawang Sapa nang harangin at holdapin ng dalawang suspek na lulan din ng motorsiklo.
Natiyempuhan naman ng pahinante na maagaw ang baril ng isang holdaper kaya napilitang abandonahin ang ang mag-amo.
Dito na pinaputukan ng negosyante ang riding-in-tandem kung saan tinamaan sa leeg si Magno at narupuhan si Lopez sa dibdib.
Bumagsak mula sa motorsiklo si Lopez kung saan ito nasawi habang si Magno naman ay naaresto ng pulisya sa isang ospital.
Nabatid na sina Lopez at Magno ay may nakabinbing kasong robbery sa sala ni Judge Wilfredo Nieves ng Malolos City Regional Trial Court Branch 84 kung saan nakalaya dahil nagpiyansa.
- Latest
- Trending