MANILA, Philippines - Nagmistulang masamang bangungot ang pagbibiro ng isang 29-anyos na dalagang guro matapos pumutok ang baril na itinutok nito sa nobyong sundalo na agad nasawi sa trahedya sa bayan ng Janiuay, Iloilo noong Biyernes ng umaga.
Kinilala ni Iloilo PNP director P/Senior Supt. Gil Blando Lebin Jr., ang biktima na si Pfc James Espada, 25, ng Barangay Odiongan sa bayan ng Badiangan, Iloilo at miyembro ng Army’s 3rd Infantry Division sa bayan ng Capiz.
Naisugod pa sa Janiuay District Hospital bago inilipat sa Western Visayas Southern University Medical Center kung saan ito namatay sa tinamong tama ng bala ng cal. 45 pistol sa kilay na naglagos sa ulo.
Sising alipin namang sumuko sa pulisya ang nobyang si Ruby Jetano ng Barangay Mañacabac, guro sa Tolarucan Elementary School.
Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente bandang alas-6:30 ng umaga sa tahanan ng guro kung saan nagbakasyon ang biktima simula pa noong Enero 11.
Lumilitaw na pabirong itinutok ang baril ng suspek sa kanyang nobyo matapos nitong tanggalin ang magazine ng nasabing barilt na kaniyang pag-aari.
Sa pag-aakalang wala ng bala ang baril ay kinalabit ng suspek ang gatilyo nito kung saan nabigla nang pumutok na sumapul sa kilay ng biktima na naglagos sa ulo.
Ang cal.45 pistol ay sinasabing naka-chamber load na naiwan pa ang isang bala kahit tinanggalan na ng magazine habang patuloy naman ang imbestigasyon.