TUGUEGARAO CITY, Philippines – Apat na mag-uutol ang iniulat na nasawi matapos malunod sa Cagayan River na sinasabing magkakasamang naligo dahil sa pamahiing maitataboy ang masamang kapalaran sa pagkamatay ng kanilang lolo noong Friday the 13th sa Barangay San Isidro, Sta. Maria, Isabela.
Kinilala ng pulisya ang mga namatay na sina Michael Alayban, 28, Marlon Alayban, 22; Ignacio Alayban, 18; at si Mildred Alayban, pawang nakatira sa Barangay Divisoria sa bayan ng Enrile, Cagayan.
Lumilitaw sa imbestigasyon, ang mga biktima ay sumamang nakipaglibing sa kanilang namayapang lolo.
Matapos makipaglibing mula sa sementeryo ay dumiretso sa Cagayan River para maligo ang mag-uutol bilang tradisyon sa paniniwalang maitataboy ang masamang kapalaran sa nabubuhay pa nilang kamag-anak.
Subalit maging ang apat na magkakapatid ay sinakluban ng masamang kapalaran na nagkataon namang Friday the 13th kung saan nakasalubong si kamatayan sa nasabing ilog.
Narekober naman ang mga bangkay ng apat na magkakapatid ilang oras matapos malunod.