Umulan ng isda sa Agusan
MANILA, Philippines - Bumuhos ang malakas na ulan na may kasamang maliliit na isda sa Barangay Poblacion sa bayan ng Loreto, Agusan del Sur kamakalawa ng umaga.
Kinumpirma ni Office of Civil Defense Region 13 Director Blanche Gobensiong ang pag-ulan ng isdang buhay na sumabay sa buhos ng ulan at bumagsak sa bahay ni Barangay Kagawad Eliseo Ong.
Agad namang inilagay sa aquarium ang nakolektang 72-piraso ng isda na hindi pa alam kung ano ang uri kung saan namangha ang mga residente sa kakaibang pangyayari.
“It’s a rare phenomenom, kahit ako ‘di-makapaniwala,” pahayag naman ni National Disaster Risk and Reduction Management Council Executive Director Benito Ramos nang matanggap ang ulat na ayon pa rito ay maaring bahagi ng climate change.
Sinabi ni Ramos na ang Department of Science and Technology ang mas higit na makakapagpaliwanag sa kamangha-manghang pangyayari sa nasabing barangay.
Ayon naman kay P/Chief Inspector Wilson Corpuz, hepe ng Loreto PNP, lubhang nakapagtataka ang pag-ulan na may kasamang isda sa bahay ni Ong dahil malayo naman ito sa dagat at ilog.
Sa radio interview, sinabi naman ni Engineer Lolit Binalay, hepe ng PAGASA – Bancasi sa rehiyon na ang pag-ulan ng isda ay posibleng sanhi ng aktibong pagkabuo ng mga ‘cummulu-nimbus clouds’ na naging ‘waterspout’.
Ang waterspout ay may kakayahang humigop ng mga particles mula sa karagatan at posibleng nahigop ng puwersa nito ang mga isda.
Nang wala na aniyang iba pang mahigop na mga particles at nang mabigatan na sa water vapor ay ibinuga ng waterspout ang mga isda kung saan kasama sa mga nahigop na tubig at nagkataong sa bahay ni Ong naibuga.
Idinagdag pa nito na nangyari na rin ang ganitong scenario noon sa Lake Mainit, Agusan del Norte ilang taon na ang nakalipas. Dagdag ulat ni Angie dela Cruz
- Latest
- Trending