Lolo nahulog sa gym, utas
MANILA, Philippines - Patay ang isang 60 anyos na lolo matapos itong aksidenteng mahulog sa isang “bleacher” habang nage-ehersisyo sa mini gymnasium ng Brgy. Malabao, Buenavista, Agusan del Norte kamakalawa ng madaling araw.
Idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan ang biktimang kinilalang si Alfredo Plaza, residente ng Brgy. Ong Yiu, Butuan City.
Ayon kay CARAGA Police Spokesman Supt. Martin Gamba, naganap ang insidente sa nasabing lugar maga-alas-4 ng madaling-araw.
Sa imbestigasyon, masiglang nage-ehersisyo ang matanda nang bigla na lamang itong mahulog sa bleacher ng naturang mini gymnasium.
Bunga nito ay nabagok ang ulo ng biktima sa matigas na bakal na bagaman nagawa pang maisugod sa pagamutan ay nabigo ng maisalba ang buhay.
- Latest
- Trending