RIZAL, Philippines – Anim-katao ang iniulat na nasawi habang walong iba pa ang nasugatan matapos salpukin ng dumptruck ng buhangin ang traysikel na may lulang 16-estudyante, ilang sasakyan, mga bystander at ang police outpost sa Barangay Dolores Tikling, Junction sa bayan ng Taytay, Rizal kahapon ng tanghali.
Kabilang sa mga namatay ay sina Noel Almorado; Darryl Santiago; Gaylord Fernandez; Kelvin Cruz, 11, ang driver ng truck (DVH 151) at kasama nitong babae na kasalukuyang bineberipika pa ang pagkakakilanlan.
Samantala, nakatakas naman ang pahinante ng truck bago pa makausap ng mga pulis.
Samantala, sugatan naman sina Judy Ann Santos Espinosa, PO1 Harold Carbonnel, PO1 Christian Cantanero, PO1 Ronellie Miranda, ang mag-asawang Farrel Mercado, at Cynthia Mercado; dalawang anak na sina Gian Franco, 5; at Cherry Mae, 3.
Sa ulat ng P/Supt. Art Masungsong, lumilitaw na naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng tanghali sa bahagi ng Cabrera Road sa Barangay Dolores.
Sinasabing nawalan ng preno ang dumptruck kaya inararo nito ang traysikel ng mga estudyante na patungo sana sa Taytay Elementary School, at maging ang ilang naglalakad sa kalsada.
Huminto lamang ang truck nang mabangga ang police outpost kung saan nasugatan ang tatlong pulis.
Tumagilid pa ang dumptruck kaya natabunan pa ng buhangin ang mga biktima.
Sa tala ng pulisya, lumilitaw na nawalan din ng preno kaya inararo ang jeepney, carinderia at hilera ng kabahayan sa Sumulong Highway sa Antipolo City, Rizal kung saan aabot sa walong sibilyan ang iniulat na nasawi habang 13 iba pa ang nasugatan noong Disyembre 22, 2011.