Killer ng Batangas councilor, timbog
MANILA, Philippines - Bumagsak sa mga awtoridad ang isang pinaghihinalaang lider ng gun for hire syndicate sa Batangas na responsable sa pagpatay ng isang konsehal noong 2009 sa isinagawang follow-up operation sa Laguna kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni Chief Inspector Jay Agcaoili, Chief ng Criminal Investigation and Detection Group-Batangas, ang suspek na si Ceperino Atienza ay nasakote ng kaniyang mga tauhan bandang alas-4:30 ng madaling-araw sa Brgy. Santisimo Rosario, San Pablo City, Laguna.
Bago ito ayon kay Agcaoili ay nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa presensya ni Atienza sa Laguna kaya agad silang nagsagawa ng surveillance operations na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nabatid na ang suspek ay nagsimulang magtago sa batas matapos na mapatay ang dalawa nitong tauhan noong Enero 24, 2009 pagkaraang masangkot sa pananambang sa napaslang na si Municipal Councilor Ompo Malipol ng bayan ng Sto. Tomas, Batangas.
Nasamsam mula sa suspek ang isang cal. 45 pistol, isang magazine ng carbine rifle at mga bala.
- Latest
- Trending