MANILA, Philippines - Nasa malubhang kalagayan ngayon ang isang dalagang call center agent matapos itong pagsasaksakin nang pumalag sa kaniyang lalaking kapitbahay na nagtangkang humalay dito sa Brgy. San Nicolas, Cebu City kamakalawa ng madaling araw.
Patuloy na inoobserbahan ngayon sa pagamutan ang biktimang itinago sa pangalang Rose, 24-anyos na nagtamo ng mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat ng Cebu City Police, arestado naman ang suspek na si Zaldy Mark Guanita, 23-anyos matapos na makorner ng mga nagrespondeng barangay tanod na narinig ang paghingi ng saklolo ng tiyahin ng biktima.
Ayon sa imbestigasyon, bandang alas-2:30 ng madaling araw ng maalimpungatan ang natutulog na si Rose sa kaluskos sa labas ng kaniyang silid bunsod upang bumangon ito at tingnan kung sino ang may kagagawan.
Nang buksan ng dalaga ang pintuan ay bumungad sa kaniya ang kapitbahay na si Guanita na armado ng kutsilyo na pilit winawasak ang door knob ng kaniyang silid bunsod upang itulak siyang paloob ng suspek.
Isinalya ng suspek sa may dingding ang biktima, tinakpan ang bibig upang hindi makasigaw pero nanlaban ang dalaga at kinagat ang suspek.
Dito na nagalit ang suspek at pinagsasaksak ang biktima kung saan ang kalabugan sa silid ay narinig naman ng tiyahin ng dalaga na natutulog sa kabilang silid na nabungaran ang suspek na hawak ang duguang kutsilyo kaya nagsisigaw ito sa bintana sa paghingi ng tulong. Mabilis na nagresponde ang mga barangay tanod at nasakote ang suspek na nasamsaman ng 7 pulgadang kutsiyo.