Hustisya!
Ito ang mariing sigaw kahapon ng biyuda at mga kaibigan ng pinaslang na si radio broadcaster tabloid publisher na si Christopher Guarin na pinagbabaril noong Enero 5 ng gabi sa General Santos City.
Kasabay nito, kinalampag naman ni Sarangani Rep. Manny “Pacman” Pacquiao ang Philippine National Police (PNP) upang resolbahin ang kaso ng pagpatay sa 43- anyos na si Guarin at arestuhin sa lalong madaling panahon ang mga salarin.
Sa pamamagitan ni Rose Tamayo, Public Information Officer ni Pacman na dumulog sa tanggapan ng PNP- Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), kinondena ni Pacman ang insidente at hangad ang agarang hustisya sa krimen.
Nabatid kay Tamayo na naalarma ang solon sa insidente kaya plano nitong magpasa ng resolusyon sa Kongreso bilang pakikisimpatiya sa pamilya ni Guarin at mariing pagkondena sa brutal na pamamaslang rito sa harapan ng kaniyang misis at 9- anyos na anak na babaeng si CJ na nasa state of shock bunga ng insidente.
Sa isang television interview, tahasang sinabi naman ni Lyn, biyuda ni Guarin na hindi siya naniniwalang personal ang motibo ng krimen at naghihinalang may koneksyon ito sa pulitika.
Umapela rin ito na magmula sa national agency ng pamahalaan ang mag-imbestiga sa krimen dahilan bago ang insidente ay nakatanggap pa umano ng death threat ang kaniyang mister at bukod dito ay wala siyang tiwala sa lokal na pulisya sa kanilang lungsod.
Nabatid na si Christopher ay tumakbong konsehal ng General Santos City noong 2010 national election sa ilalim ng banner ng People’s Champ Movement (PCP), ang pulitikal na partido ni Rep. Pacman.