Survivor ni Sendong, nag-suicide
MANILA, Philippines - Matapos gumuho ang pag-asa sa pagkawala ng kabuhayan at pagkawasak ng tahanan sa delubyo ng flashflood dulot ng bagyong Sendong, winakasan ng desperadong survivor ang kaniyang buhay matapos magsaksak sa sarili sa evacuation center sa Cagayan de Oro City noong Biyernes ng hapon.
Sa ulat na ipinalabas kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, kinilala ang nag-suicide na si Roy Navarro, 33, ng Barangay 13 at isa sa mga evacuees sa Cagayan de Oro City Central School.
Ayon kay P/Senior Inspector Ariel Pontillas, nagsaksak sa tiyan ang biktima saka nilaslas ang kaniyang leeg na labis na ikinabigla ng pamilya nito.
Nagawa pang maisugod ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics team ang biktima sa ospital pero nabigong maisalba ang buhay nito.
Sa pahayag ng tiyahin na si Hermogenia Patigas ay nag-away pa si Roy at ang misis nito matapos malaman na hindi pala sila kasama sa listahan ng mga evacuees na pansamantalang ililipat sa 408 shelter box sa Tent City sa Sitio Calaanan, Brgy. Canitoan bilang relocation site.
Nabatid na desperado ang biktima matapos na lamunin ng baha ang 2-storey house nito na katatapos lamang ipagawa may 7-buwan na ang nakalipas bago manalasa si Sendong noong Disyembre 17, 2011.
Sa tala, si Sendong ay nakaapekto sa may 117,665 pamilya (1,136,222 katao) sa may 808 barangay, 57 bayan at walong lungsod sa 13 lalawigan.
- Latest
- Trending