MANILA, Philippines - Umaabot na sa 25-katao ang iniulat na nasawi na habang nasa 150 iba pa ang nawawala matapos matabunan ng tone-toneladang putik na bato ang 50 kabahayan sa naganap na landslide sa Barangay Napnapan sa bayan ng Pantukan, Compostela Valley noong Huwebes ng madaling-araw.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, naitala ang landslide dakong alas-4 ng madaling- araw sa Sitio Diat 1 at Diat II, sa nasabing bayan.
Aabot naman sa 15-katao ang sugatang nailigtas matapos rumesponde ang search and rescue team ng Army’s 71st Infantry Battalion sa ilalim ng superbisyon ni Army’s 1001st Brigade commander Col. Roberto Domines, kasama ang pulisya at ilang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Nabatid na bumigay ang bahagi ng bundok na tumabon sa tinatawag na 700 tunnel kung saan aabot sa 50 katao ang nalibing nang buhay pero nasa 25 pa lamang ang narerekober na bangkay habang mahigit sa 100 pa ang nawawala.
Lumilitaw na ang landslide ay sanhi ng small scale mining operations kung saan tuluyang gumuho ang bundok gayong hindi naman malalakas ang pag-ulan sa nasabing lugar.
Ang nasabing lugar ay kabilang sa mga naideklarang ‘landslide' prone area’ ng Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources noon pang Abril 2011 kung saan pinalikas at ipinagbawal ang manatili dahilan sa peligroso ito sanhi ng crack ng bundok.
Hindi pa nakakabangon ang bansa sa grabeng epekto ng bagyong Sendong noong Disyembre 2011 kung saan nag-iwan ng 1, 257 patay sa mga lungsod ng Cagayan de Oro at Iligan ay delubyo naman ng landslide ang sumalubong sa 2012, ayon sa NDRRMC.
Magugunita na noong Abril 2011 ay 10-katao ang iniulat na nasawi habang 40 pa ang nawawala sa landslide sa Barangay Kingking sa bayan din ng Pantukan.
Gayon pa man, nagpadala na ng mga bulldozer at iba pang heavy equipment sa lugar ang tropa ng Philippine Army para magamit sa search and retrieval operations.
Kasabay nito, idineklara na ni Compostela Valley Gov. Arturo Uy ang state of calamity sa nasabing lugar bunga ng matinding delubyo ng landslide.