MANILA, Philippines - Isang itinuturing na berdugo ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na sangkot sa pamumugot ng ulo ng 10 sa 14 Marines na napatay sa ambush sa Basilan ang nasakote ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar sa Isabela City ng lalawigan kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., ang nasakoteng suspek na si Boy Abulphata aka Boy Pahta, isang notoryus na Sayyaf member na nasa watchlist ng PNP.
Ayon kay Cruz, bandang alas-12:07 ng madaling araw ng masakote si Pahta ng pinagsanib na elemento ng AFP Task Force Basilan, Special Action Force Battalion at Regional Intelligence Division ng Police Regional Office (PRO) 9 sa Brgy. Kumalarang ng lungsod.
Sa tala ng militar, ang suspek ay kabilang sa mga berdugo ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama na nasangkot sa pamumugot ng ulo 10 sa 14 napatay na elemento ng Philippine Marines sa Brgy. Guinanta, Al Barkha, Basilan noong Hulyo 2007.
Bukod dito ang suspek ay sangkot rin sa Dos Palmas kidnapping sa Puerto Princesa City, Palawan noong Mayo 27, 2001 kung saan ang mga hostages kabilang sina US missionary couple Gracia at Martin Burham ay dinala at itinago sa lalawigan ng Basilan.