Killer ng Italian priest arestado

MANILA, Philippines - Nalambat ng mga awtoridad ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Italian priest Fr. Fausto “Pops “ Tentorio matapos ang serye ng operasyon sa Barangay Kulaman Valley sa bayan ng Arakan, North Cotabato kahapon ng madaling-araw.

Kasalukuyang sumasailalim sa tactical interrogation ang suspek na si Jimmy Ato na sinasabing nakorner ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at NBI sa Sitio Mahiwakhiwak sa nabanggit na barangay.

Base sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Cornelio Salinas, natukoy sa imbestigasyon ng Task Force Fausto sa pamumuno ni P/Chief Supt. Lester Camba na si Ato ang tumayong gunman based sa ilang nakasaksi sa krimen.

Sa ulat ng pulisya, si Fr. Tentorio, 56, ng Pontifical Institute for Foreign Mission ay pinagbabaril sa compound ng Our Lady of Perpetual Help sa bayan ng Arakan, Cotabato habang pasakay sa sasakyan para dumalo sa clergy meeting sa Kidapawan City noong Oktubre 17, 2011. Napag-alamang si Ato ay may nakabinbin ding warrant of arrest sa kasong destructive arson with homicide na inisyu ng Cotabato City Regional Trial Court Branch 12.

Show comments